-- Advertisements --

Sinabi ng apat na dating bodyguards ni dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na binuo ang ”18 Maleta boys” para mang-blackmail at mangikil laban sa ilang kilalang pulitiko at matataas na opisyal kaugnay ng pagdedeliver ng male-maletang pera.

Magugunitang binawi ng apat sa 18 miyembro ng dating bodyguard ni Co ang kanilang mga naunang akusasyon kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Leyte Rep. Martin Romualdez, at Co matapos umano nilang matuklasan na ang layunin ng kanilang grupo ay ”mang-blackmail at extortion” laban sa ilang kilalang personalidad.

Sa kanilang bagong sinumpaang salaysay sinabi nilang habang tumatagal ay pabago-bago na umano ang mga pangalan ng mga personalidad na idinadawit sa mga alegasyon.

Isa pang dating bodyguard ang nagsabi na layunin umanong palabasing tumanggap ng pera mula kay Co ang mga personalidad na kanilang idinawit.

Inakusahan din nila ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod na nangako umano ng malaking halaga ng pera kung magtatagumpay ang sinasabing plano.

Mariin namang itinanggi ni Baligod ang mga paratang. Aniya, walang katotohanan ang alegasyong may pangingikil laban sa mga pulitiko.

Tinawag niya itong “malayong-malayo sa katotohanan.”

Itinanggi rin ng abogado na nangako siya ng malaking pera kapalit ng pagpirma ng mga affidavit ng mga ito.

Ayon kay Baligod, ang sinabi lamang niya sa grupo ay handa silang magtulungan kung may problema ang kanilang mga pamilya, at hindi ang pagbibigay ng malaking halaga ng salapi.

Samantala, nanindigan si George Villalon, isa sa mga dating bodyguard na hindi umatras sa kanyang salaysay, na totoo ang kanilang mga naunang alegasyon.

Iginiit niya na ang apat na testigong bumawi sa kanilang mga affidavit ay inalok umano ng P20 million hanggang P25 million bawat isa kapalit ng pagbawi ng kanilang mga testimonya.

Sinabi rin niyang inalok din siya ng pera ngunit tinanggihan niya ito.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo para kunin ang reaksyon ng ilang personalidad na isinangkot ng ”Maleta boys.”