-- Advertisements --

Isiniwalat ng isa sa 18 tinaguriang maleta boys na inalok sila ng P20 million hanggang P25 million para mag-recant o bumaliktad sa kanilang mga salaysay na nagdadawit sa ilang opisyal ng gobyerno kabilang na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez sa korapsiyon sa flood control projects.

Ginawa ni George Villanon Jr. ang pahayag matapos lumagda sa recantation affidavits ang apat sa kanilang kasamahan. Inamin ng apat na walang katotohanan ang kanilang orihinal na joint affidavit.

Hindi naman pinangalanan ni Villanon kung sino ang nag-alok sa kanila ng malaking halaga ng pera.

Pinabulaanan naman niya na nais ng iba pa nilang kasamahan na bawiin ang kanilang affidavit, at sinabing nananatili ang kanilang paninindigan sa katotohanan ng kanilang mga salaysay.

“Ang masasabi ko lang sa kasama ko, sana naisipan ninyo nang mabuti ‘yung sinasabi ninyo. Retired ka na Marines pero ano ang ginawa mo? Nagpadala ka sa pera,” mensahe ni Villanon sa kaniyang mga kasamahang nag-recant.

Nauna na ring itinanggi ni Atty. Levito Baligod ang akusasyon ng apat na maleta boys na pinagkakakitaan niya ang kaniyang mga kliyente para gumawa ng joint affidavit.

Matatandaang noong Pebrero nang unang ipakilala ni Baligod ang 18 bilang dating marines, na nagsilbi umanong bagmen ni dating Rep. Zaldy Co sa pagdadala ng P805 bilyong kickbacks mula sa maanomaliyang flood control projects.