CEBU CITY – Posibleng nanggaling sa isa sa mga anak ni Lourdes Silawan, ang ina ng Grade 9 student na binalatan at pinatay sa Lapu-Lapu City, ang dugo na nasa sapatos ng 18-anyos na suspek.

Ayon kay Dr. Rene Cam, ang medico-legal ng NBI-7, nag-match sa kanilang DNA test ang mantsa ng dugo sa sapatos ng suspek na si alyas Jun at sa DNA sample na nakuha mula sa buccal swab ng magulang ni Christine Lee Silawan.

Dagdag pa ni Cam, kahit hindi nya direktang sinabi na dugo umano ito ni Christine ang nasa sapatos ng suspek, sinisiguro rin nito na posibleng nanggaling umano ito sa isa sa mga anak ni Lourdes, base sa nakuhang DNA sample.

Samantala, hindi pa lubos na ikaliligaya ni Lourdes Silawan ang resulta ng DNA test mula sa NBI medico legal kahit na nag-match ang kanyang DNA sample sa dugo mula sa sapatos ng suspek.

Ayon pa sa ina ni Christine Lee, nagtitiwala pa rin sya sa isinagawang imbestigasyon ng NBI tungkol sa brutal na pagpatay sa kanyang anak.

Inamin din ni Lourdes na nagpapakita sa kanya ang kanyang anak at humihingi pa umano ng tulong at hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ang sinapit nito.