-- Advertisements --
image 340

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na huwag mag-hoard ng groceries sa gitna ng banta ng super typhoon Mawar.

Nadiskubre kasi ng ahensiya na bumibili na ng bultuhang mga suplay ng pagkain ang ilang mga indibidwal para mabenepisyo sakaling magtaasan ang presyo lalo kapag mayroong kalamidad.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, hindi maiiwasan na mayroong mga unscrupulous individual na bibili ng marami pagkatapos ay ibebenta sa mas mahal na presyo kapag tapos na ang kalamidad.

Kayat payo ng DTI official sa mga consumer na mamili lamang sa mga stores na hindi mananamantalang taasan ang presyo.

Pagtitiyak naman ng DTI sa publiko na nakahanda ang mga manufacturer na punan ang kinakailangang mga suplay ng basic goods sa mga grocery sa gitna ng pananalasa ng bagyo.

Base naman sa market monitoring ng ahensiya, mayroong sapat na suplay ng mga basic goods sa mga groceries.

Pinayuhan din ng DTI ang publiko na agad ireport kapag mayroong napansing insidnete ng hoarding ng mga bilihin sa kanilang lugar at ibinibenta sa mas mataas na presyo.

Nakahanda namang magpatupadng price freeze ang DTI sa basic necessities sa LGU na idineklarang nasa state of calamity.