Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na makakatanggap ng sapat na tulong at hustisya ang mga naging biktima ng aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Personal na nakiramay si Secretary Gatchalian sa pamilya ng mag-asawang taga-Plaridel, Bulacan na nasawi sa banggaan sa SCTEX.
Nakatanggap ng 50,000 ang mag-asawa pati na rin ang bawat pamilya ng mga nasawi sa SCTEX incident noong Mayo 1 bilang tulong sa pagpapalibing. Dagdag pa ni Secretary Gatchalian, tutulungan din ng departamento ang mga naiwang pamilya na makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa iba pang uri ng tulong na maaari nilang makuha.
Sa hiling ng pamilya, makikipag-ugnayan din ang DSWD sa National Bureau of Investigation (NBI) para matanggal sa internet ang mga litrato ng anak ng mag-asawa.
Samantala, bumisita rin si Secretary Gatchalian sa burol ng 29-taong gulang na lalaki mula Hagonoy, Bulacan, na isa sa dalawang nasawi sa insidente sa NAIA Terminal 1 noong Mayo 4.