-- Advertisements --

Inihayag ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang matibay na paninindigan ng gobyerno na tuluyang wakasan ang child labor sa bansa. Kasabay ng paggunita sa World Day Against Child Labor ngayong Hunyo 12, sinabi ni Gatchalian na ang child labor ay nang-aagaw ng kalayaan, pagka-inosente, at mga karapatan ng bawat bata.

Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng buong lipunan upang labanan ito sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga batas, pagbibigay ng tulong panlipunan, at pagtulong sa mga pamilya na magkaroon ng disenteng trabaho.

Nabatid na sa ilalim ng SHIELD program ng DSWD, mahigit 12,000 child laborers na ang natulungan ng ahensya mula 2021 hanggang 2024, kung saan 4,000 dito ang naibalik na sa kanilang mga pamilya at komunidad.

Patuloy din ang pakikipagtulungan ng DSWD sa iba pang ahensya upang makapagbigay ng mga programa na naglalayong bigyan ng pag-asa at dignidad ang mga bata at masiguro ang kanilang pag-aaral, nang hindi mapasailalim sa child labor.