-- Advertisements --

Mananatiling naka-alerto ngayong Semana Santa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay sa kabila ng pagkakadeklara sa Abril-2 at 3 bilang regular holidays, at Abril 4 bilang special non-working day, salig sa itinatakda ng Proclamation No. 1006, s. 2025.

Ayon sa DSWD, nakataas na ang alerto sa ahensiya at mananatili ito sa kabuuan ng Holy Week upang tumulong sa pagpapanatili sa kaligtasan ng publiko at umalalay sa emergency situation.

Giit ng ahensiya, mananatiling bukas at handa ang DSWD Disaster Response Management Bureau at Disaster Response Command Center, gamit ang skeletal workforce para sa agarang pagtugon sa anumang emergency.

Tiniyak din ng ahensiya ang sapat na stock ng family food packs, non-food items, at pondo na nakahandang ipamahagi anumang oras na may emergency, habang nasa kasagsagan ng paggunita sa Mahal na Araw.

Pinapabantayan din ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mga regional office ng ahensiya ang sitwasyon sa bawat rehiyon, probinsiya, at munisipalidad, at siguruhin ang kahandaang tumugon sa anumang sakuna.

Hangad ng social welfare department ang zero-casualty sa kabuuan ng Semana.