Handa nang magpamalas ng galing ang 464 na atletang Pilipino na kakatawan sa bansa sa darating na 20th Asian Games na magsisimula sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4, at sa 5th Asian Para Games na gaganapin naman mula Oktubre 18 hanggang 24 sa Aichi-Nagoya, Japan.
Lalaban ang pambato ng Pilipinas sa 43 iba’t ibang larangan ng palakasan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo, opisyal na ring magbubukas ang limang bagong sports ang padel, teqball, surfing, BMX freestyle, at Mixed Martial Arts (MMA).
Pangungunahan nina weightlifting junior world record holder Albert Ian Delos Santos at Olympic boxing medalist Aira Villegas ang Team Philippines bilang mga opisyal na flag bearer ng bansa.
Si Delos Santos, na nagmula sa Zamboanga, ay isa sa mga inaabangang pambato matapos makasungkit ng mga gintong medalya at magtala ng mga bagong junior world at Asian record sa weightlifting. Kasama niya bilang flag bearer ang Olympic boxing medalist na si Aira Villegas, na nagdala rin ng malaking karangalan sa bansa.
Kabilang din sa mga kaabang-abang na muling magbibigay ng karangalan sa bansa ay ang tennis superstar na si Alex Eala.
Samantala, inanunsyo naman ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio sa ginanap na send-off ceremony na makatatanggap ng karagdagang P6,000 incentive ang bawat atleta at coach bilang suporta sa kanilang laban.
















