CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang tinaguriang high value target na drug dealer sa anti-drug operation sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Prince Mohammad Uko Mama, 34, may asawa at residente ng Purok Polindao, Barangay Lower Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon kay PDEA-BARMM Regional Director Juvenal Azurin na nagsagawa sila ng buy bust operation malapit sa tahanan ng suspek.

Nang iabot na ni Mama ang droga sa asset ng PDEA-BARMM ay natunugan nito na mga otoridad ang kanyang katransaksyon kaya bumunot ito na baril at nagpaputok.

Kaya napilitan ang mga tauhan ng PDEA-BARMM na gumanti ng putok sa suspek.

Naisugod pa si Mama sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng apat na tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Narekober sa posisyon ng suspek ang limang pakete ng shabu, isang kalibre .45 na pistola, mga bala, isang magazine at mga drug paraphernalia.

Kinompirma rin ni Azurin na dati nang nahuli si Mama ngunit nakapagpiyansa kaya nakalabas kung saan sangkot ito sa illegal drug trade sa Cotabato City at Maguindanao.