Reading Time: 1 minute
Driver of ExRep Espino
Agapito Cuison/ FB image

DAGUPAN CITY – Tuluyan nang binawian ng buhay ang driver ng mismong sinakyang Land Cruiser ni dating Pangasinan Rep. Amado Espino Jr., nang tambangan ang mga ito sa lungsod ng San Carlos.

Kinumpirma ni Col. Redrico Maranan, provincial director ng PNP Pangasinan sa Bombo Radyo Dagupan, ang pagpanaw nitong gabi ng Huwebes ni Agapito Cuison, ang driver ni Espino na nakapagtakbo pa sa kaniya sa ospital sa kabila ng natamo nitong tama ng bala.

Umabot na ngayon sa dalawang katao ang nasawi sa nangyaring pananambang sa dating opisyal ng lalawigan.

Sa hiwalay namang social media post ng anak ni Espino na si 2nd District Rep. Jumel Espino, nagpasalamat ito sa dasal para sa kanilang pamilya lalo na sa kanilang ama.

Amado espino jr
Ex-Rep. Amado Espino, Jr.

Subalit hiniling nila na mas ipagdasal ngayon ang pamilya ng mga nasawing nagprotekta sa nakatatandang Espino kasabay ng pasasalamat sa bagong buhay na naibigay sa kaniyang ama na habangbuhay nitong magiging utang na loob.