-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy pang nagpapagaling ang driver ng tricycle na nadaganan ng isang E-Jeep matapos na magkarambola ang tatlong sasakyan sa Tayabas City, Quezon.

Kung maaalala, una nang kinilala ang mga nasugatan sa nasabing insidente na sina Paolo Elises, 24-anyos driver ng nasabing tricycle, habang ang angkas naman nito na isang 17-anyos na binata, parehas residente ng Luis Palad Street, Barangay Angeles, Zone 4, sa nasabing lungsod, Maribel Juacalla, 45-anyos, residente ng Barangay 7, Lucban, Quezon; at Reginal Obana, 47-anyos, residente naman ng Barangay Ibabang Iyam, Lucena City, mga pasahero ng E-Jeep.

Sa panamayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Ebenezer Benito Euden, IOC ng Tayabas City Police Office, sinabi nito na habang binabaybay ng delivery truck na minamaneho ni Angelito David, Jr., 39-anyos, residente ng Pinugay Baras Rizal, nang aksidente itong mawalan ng preno dahilan upang mabangga nito ang kasalubong na E-Jeep na minamaneho naman ni Jonald Obana, 47-anyos, residente ng Pineda Compound, Lucban Quezon habang sakay nito sina Juacalla at Obana.

Aniya, dahil umano sa nasabing pangyayari tumagilid ang nasabing E-Jeep at naipit nito ang kasabayang tricycle na minamaneho naman ni Elises habang angkas naman nito ang isang menor de edad na lalaki.

Dahil sa nasabing insidente nagtamo ng seryosong pinsala si Elises, habang nagtamo naman ng slight injury sina Juacalla, Obana at ang menor de edad na angkas ni Elises na maswerteng nakatalon mula sa nasabing tricyle.

Samantala, nagkasundo naman umano ang magkabilang panig na mag-areglo at binayaran na rin naman ng may ari ng delivery truck ang ginastos ng mga biktima sa ospital.