DAGUPAN CITY – Patay ang isang driver na nakatulog sa kanyang tricycle dahil sa kalasingan matapos na pagpupukpukin sa mukha ng isang babae sa Purok 2, Brgy. Magallanes sa bayan ng Tayug sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinilala ang biktima na si Bonnie Bautista, 38, residente ng Brgy. Poblacion sa nasabing bayan habang ang suspek ay natukoy bilang si Marivic Tubiera, 31, residente ng Brgy. Poblacion sa nasabi ring bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na ang biktima ay nakatulog sa kanyang tricycle dahil sa kalasingan nang dumating ang suspek doon.

Sinubukan ng suspek na gisingin ang biktima upang kunin sana ang susi ng tricycle subalit nang mainis ang suspek ay pinukpok niya ang mukha ng biktima ng ilang beses nang hindi pa natutukoy na gamit o armas na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Agad pa itong naitakbo sa pagamutan subalit hindi na umabot pa ng buhay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon rito ng mga otoridad.