CAUAYAN CITY- Namatay ang isang driver habang nasugatan ang dalawang iba pa sa banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Pambansang Lansangan sa barangay Baligatan, Ilagan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang nasawing tsuper ay si Zaldy Domingo,53 anyos, tricycle driver, may asawa at residente ng Purok 3 Brgy Baligatan, Ilagan City habang kinilala din ang isang sangkot na si Mark Pamittan, 38 anyos, may asawa, construction worker at residente ng Purok 7, Osmeña, Ilagan City.
Batay sa pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station, binabaybay ng motorsiklo at tricycle lansangan ngunit dahil sa mabilis ang pagpapatakbo ng tsuper ng tricycle ay sumalpok ito sa kasalubong na motorsiklo.
Tinangka pa umanong iwasan ng tsuper ng motorsiklo ang paparating na tricycle ngunit dahil sa bilis nito ay hindi nito nagawa pang umiwas.
Nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang dalawang tsuper kabilang ang backrider ng motorsiklo na labing isang taong gulang na lalaki.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na galing umano sa Inuman ang tsuper ng tricycle habang papauwi naman ang magka-angkas sa motorsiklo.
Dinala sa pagamutan ang tatlo ngunit dahil sa mga natamong malalang sugat sa katawan ang tsuper ng tricycle ay idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Habang sina pamittan at kanyang backrider ay nasa pagamutan.