Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 2426 o Comprehensive School Safety Act ngayong araw, Setyembre 15, na naglalayong magtatag ng isang pambansang sistema para mapalakas ang seguridad at proteksyon ng mga mag-aaral at school personnel.
Sa ilalim ng panukala, bubuuin ang isang National Comprehensive School Safety Framework na nakasentro sa tatlong pangunahing hakbang, prevention, response, at recovery.
Kabilang dito ang pagtukoy sa mga posibleng panganib sa paaralan, pagsasanay sa mga guro, magulang at student leaders, pagkakaroon ng malinaw na emergency protocols, communication systems, at regular na safety drills.
Itinatakda rin ang pagbibigay ng psychosocial support at trauma-informed care sa mga mag-aaral, guro, at personnel na maaapektuhan ng mga insidente ng karahasan o iba pang emergency.
Kasama rin sa panukala ang mga hakbang para palakasin ang physical security ng mga paaralan, gaya ng CCTV cameras, metal detectors, at security screening, depende sa Risk assessment at pangangailangan ng bawat paaralan.
Isinusulong ni Senator Bam Aquino ang panukala matapos ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaraalan, kabilang ang pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Suportado rin ito ni Department of Education Secretary Sonny Angara, na nagsabing makatutulong ang panukala upang gawing permanente at may sapat na pondo ang mga programa ng DepEd para sa campus security, anti-bullying, at mental health.
















