-- Advertisements --
bantag NBP Bucor
New BuCor chief Gerald Bantag (file photo from DOJ)

Hinihintay na lamang umano ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang report mula kay Bureau of Corrections (BuCor) Dir. Gerald Bantag kaugnay ng riot na naganap sa New Bilibid Prison (NBP) na ikinamatay ng siyan na inmate bago ito gumawa ng susunod na hakbang.

Nakahanda na umanong magsagawa ng “drastic” actions si Guevarra kaugnay ng karahasang naganap sa loob ng pambansang piitan.

Pero hindi naman tinukoy ni Guevarra kung ano ang sinasabi nitong drastic o marahas na aksiyon matapos sumiklab kaninang madaling araw ang kaguluhan sa east quadrant ng NBP.

“I’m ready to take drastic actions regarding NBP in view of these violent incidents but i will reserve them till i see DG bantag’s report before the end of the day,” ani Guevarra.

Una rito, inatasa ng Department of Justice (DoJ) na magsumite ng report sa kagawaran kung ano ang tunay na nangyari sa Bilibid. 

Ayon kay Guevarra, pinaiimbestigahan na niya ang insidente kay Director Bantag. 

“I have asked DG bantag of bucor to investigate and submit a report to me asap,” dagdag ni Guevarra.

Sinabi ng kalihim na sa lalong madaling panahon ay kailangang makapagsumite na rin ang BuCor ng kanilang ulat sa naging puno’t dulo ng riot sa bilibid.

Batay sa inisyal na ulat, madaling araw kanina nang sumiklab ang gulo sa pagitan ng mga miyembro ng Sputnik Gang at Commando gang. 

Ayon kay BuCor Spokesman Gabriel Chaclag, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang mag-umpisa ang riot at nagtapos alas-4:00 na ng madaling araw. 

Hindi pa anya tukoy sa ngayon kung ano ang tunay na pinagmulan ng riot.

Maliban daw sa mga namatay, mayroon ding mga nasugatan na nabigyan naman na ng paunang lunas. 

Tiniyak ni Chaclag na may mananagot sa nangyaring riot at maisasama ito sa records ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na nasangkot sa kaguluhan.

Sa report naman mula sa Southern Police District (SPD) na galing umano kay Chaglag, pito sa mga nasawi ay miyembro ng Sputnik at dalawa sa Commando.