-- Advertisements --

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na makiisa sa Season of Creation 2025 na gaganapin mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 4.

Ayon kay CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ito ay panahon upang magpasalamat sa Diyos sa biyaya ng kalikasan at palakasin ang misyon ng tao bilang tagapangalaga ng mundo.

Ibinahagi rin ng Cardinal na inaprubahan ni Pope Leo XIV ang bagong Votive Mass for the Care of Creation na isasama sa Roman Missal bilang gabay sa panalangin at pagtutok sa ekolohikal na pagbabagong-loob.

Dagdag pa ng CBCP, dapat seryosohin ang banta ng climate change, pagkasira ng kapaligiran, at labis na paggamit ng likas-yaman na kadalasang nagpapahirap lalo sa mga mahihirap.

Hinikayat ng simbahan ang lahat na magdasal, mag-ingat sa kalikasan, bawasan ang basura, at pangalagaan ang kagubatan, karagatan, at himpapawid para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.