-- Advertisements --

Sumailalim sa isang malalim na balasahan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga key officials nito sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood-control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang pahayag nitong Sabado, inihayag ng kagwaran na ang mga muling pagtatalaga ay bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na palakasin ang kahusayan at transparency sa loob ng kanilang tanggapan para sa paghahatid ng mabisa at mailis na serbisyong publiko.

Batay sa Special Order (SO) 137, na may petsang Agosto 28, itinalaga si Engr. Vivian G. Biaco bilang officer-in-charge ng District Engineer’s Office sa Catanduanes, kapalit ni Engr. Simon N. Arias.

Si Engr. Leonardo B. Gonzales, sa pamamagitan ng SO 138, ay muling itinalaga bilang Assistant District Engineer ng Albay 2nd District Engineering Office, kapalit ni Engr. Joanne T. Morales.

Samantala, si Morales ay muling naitalaga bilang officer-in-charge ng Office of the Assistant District Engineer sa Albay 3rd District Engineering Office, kapalit si Engr. Leonardo B. Gonzales.

Paliwanag ng DPWH, ang mga pagtatalaga na ito ay naaayon sa kapangyarihan at mandato ng kalihim nito na si Secretary Manuel Bonoan na magpatupad ng reshuffle para sa ikabubuti ng serbisyo at mahusay na pamamahala sa loob ng kanilang opisina.

Samantala, nanindigan naman ang DPWH na sila ay nananatiling tapat sa kanilangt mandato na magtayo ng ligtas, maaasahan at sustainable na mga imprastraktura para sa mga mamamayang Pilipino habang patuloy na pinapanatili ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at pananagutan nito sa publiko.