-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na bigyan sila ng pagkakataong ituwid ang mga pagkukulang sa ahensya sa gitna ng mga kontrobersiya sa umano’y maanomalyang proyekto.

Matatandaan na inihayag ni Sen. Sherwin Gatchalian na sumagi aniya sa isip niya ang posibilidad na buwagin na lamang ang DPWH — bagay na kalauna’y nilinaw niyang kailangan pang pag-aralan.

Ayon kay Dizon, bagaman naiintindihan niya ang sentimyento ng ilan, hindi aniya solusyon ang pagbuwag ng ahensya dahil maaantala lamang nito ang mga kritikal na proyekto, lalo na ang mga kailangang gawing proyekto sa tuwing may kalamidad.

Giit ng kalihim, mas kailangan ngayon ang malalim na reporma sa DPWH upang linisin ang hanay at mapanagot ang mga tiwaling opisyal. Tiniyak din niyang handa siyang ipatalsik ang sinumang sangkot sa korapsyon, kahit pa lahat ng regional director at district engineer.