-- Advertisements --

Iginiit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na sa kabila ng mga isyu sa loob at labas ng kagawaran, naniniwala siyang mas nangingibabaw pa rin ang mga matitinong kawani kumpara sa iilang tiwaling indibidwal na sumisira sa reputasyon ng ahensya.

Sa mensaheng inilabas ni Bonoan, ayon sa kanya, hangad niyang tuluyang maresolba ang mga problemang dulot ng mga tiwali at mandaraya. Hinikayat din niya ang publiko na makiisa sa paglaban sa anomalya sa pamamagitan ng direktang pagrereklamo sa kanilang tanggapan, partikular hinggil sa mga kuwestiyonableng mga proyekto.

Samantala, inihayag ng kalihim na nagpapatuloy ang mga hakbang ng ahensya upang tugunan ang mga isyu. Kabilang dito ang paglulunsad ng Committee on Anti-Graft and Corrupt Practices na magsisilbing sumbungan ng mga reklamong may kaugnayan sa katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Nagpataw na rin si Bonoan ng mga preventive suspensions at re-assignments sa ilang kawani ng ahensya na sangkot sa mga iregularidad, bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang validation sa mga flood control projects, partikular sa Bulacan, kasabay ng fraud audit kaugnay ng mga ulat ng “ghost projects” na natuklasan sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga naturang lugar.