Natapos na ang double-digit scoring streak ni NBA superstar Lebron James ngayong araw (Dec. 5), sa kabila ng panalo ng Los Angeles Lakers laban sa Toronto Raptors, 123-120.
Nabigo si Lebron na gumawa ng double-digit scores at nalimitahan lamang siya sa 8 points sa kabila ng paglalaro ng 36 mins. Sa 17 shots na kaniyang pinakawalan, tanging 4 lamang ang kaniyang naipasok. Lahat ng limang 3-points attempts ng batikang forward ay hindi pumasok.
Sa kabuuan, umabot sa 1,297 games ang double-digit scoring streak ng tinaguriang King James na katumbas ng halos 15 years na sunod-sunod na nagpapasok ng double-digit scores sa bawat regular season game na kaniyang inilaro.
Nang matanong ang pinakamatandang player sa liga ukol dito, sinabi niyang wala siyang pagsisisi, lalo na at naipanalo rin ng Lakers ang laban.
Samantala, sa naging laban ng Raptors at Lakers ay nagbuhos ng 44 points at sampung assists ang bagitong guard na si Austin Reaves, kasama rito ang 13 free throws.
Pinangunahan ni Reaves ang kaniyang koponan, kapalit ni Luka Doncic na hindi muna pinaglaro dahil sa mild injury.
Nasayang naman ang halos triple-double performance ni Raptors guard Scottie Barnes na nagbulsa ng 23 points, 11 rebounds, at siyam na assists.
Ang panalo ng Lakers ang ika-16 ngayong season habang nananatili sa lima ang pagkatalo nito. Tangan ng Raptors ang 15-8 win-loss record.















