Nagpahayag ng pakikiramay ang Department of Transportation (DOTr) sa mga pamilya ng mga nasawi sa aksidente sa departure west area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 pasado 8:55 ng umaga, Linggo, Mayo 4, 2025.
Nasawi sa insidente ang isang 4-anyos na bata at isang 29-anyos na lalaki habang tatlo na iba pa ang dinala sa ospital dahil sa tinamong mga sugat.
‘Nakikiramay tayo, lalo na sa OFW na namatayan ng anak niya ngayon, masakit, kausap ko yung father kanina hinatid lang siya ng pamilya niya kasama yung anak tapos ito yung nangyari,’ pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Ayon sa paunang imbestigasyon at kuha ng CCTV footage, nagbaba lamang umano ng pasahero ang SUV driver at ‘walang indikasyon na sinadya umano ang insidente. Gayunpaman patuloy na ang sinasagawang imbestigasyon ng DOTr, Manila International Airport Authority (MIAA), at mga awtoridad.
Isinailalim narin sa drug test ang driver.
Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver sa loob ng 90-araw habang iniimbestigahan pa ang insidente.
Samantala tiniyak ni Dizon na sasagutin ng paliparan ang mga gastusing medikal ng mga nasugatan at ang pagpapalibing ng mga nasawi.
‘Nagpapasalamat tayo sa San Miguel Corporation kay sir Ramon Ang, kinomit niyang lahat ng gastos ng mga namatayan, mga na-injured (ay) sasagutin po ng (kumpanya),’ wika ni Dizon.