Pinag-iingat ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga mamamayan sa Cebu at iba pang bahagi ng Visayas kasunod ng paglitaw ng mga mahahabang bitak sa lupa at mga sinkhole kasunod ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol.
Ayon kay DOST Sec. Renato Solidum, ang paglitaw ng mga sinkhole at mahahabang bitak sa lupa ay kadalasang nangyayari matapos ang malalakas na lindol.
Paliwanag ng kalihim, marami sa mga lugar na nakikitaan ng sinkhole ay binubuo ng mga limestone na mabilis lamang matunaw kung nalulusutan ng tubig.
Malimit aniyang nag-iiwan ang mga ito ng malalaking butas sa loob ng lupa at kung nagkakaroon ng malalakas na pagyanig ay bumabagsak ang lupang nagsisilbing takip sa mga naturang butas, dahilan ng pagkakabuo ng mga sinkhole.
Ayon kay Solidum, kailangan munang masuri ang mga ito upang matukoy kung gaano pa kalalim o kung may posibilidad pang babagsak ang lupa para makagawa ng akmang desisyon.
Nailapit na rin aniya ito ng DOST sa Mines and Geosciene Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources na pangunahing magsasagawa ng pag-susuri sa mga lumilitaw na sinkhole at bitak sa lupa.
Ang naturang ahensiya aniya ay may mga ginagamit na ground penetrating radar kung saan natutukoy ang haba o lalim ng mga bitak sa lupa.
Dagdag pa ni Solidum, gagawa muna ng risk assessment ang naturang ahensiya, upang makabuo ng akmang advisory, lalo na kung ang mga ito ay malapit sa mga kabayahan.
Maging sa mga kalsadang nakitaan ng malalaking bitak o nagkahiwa-hiwalay ay dapat din aniyang isailalim sa masusing pagsusuri.