-- Advertisements --

Bumuo ng isang Quick Response Team (QRT) ang Department of Labor and Employment VII upang tutukan ang tinatayang nasa 30 hanggang 50 na mga manggagawa kasunod ng pagsasara ng isang scam hub nitong lungsod ng Cebu.

Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Roberto Cabardo, ang Regional Labor Information Officer III ng DOLE-7, na layunin ng pagbuo ng nasabing QRT ay upang tukuyin ang angkop na suporta at i-assess ang mga pangangailangan ng mga apektadong empleyado

Sinabi pa ni Cabardo na sisiyasatin din ng kanilang tanggapan ang uri ng kanilang trabaho, kung ang naturang kumpanya ay sumunod sa kanilang proseso at kung ano ang sistema ng pagpapasweldo sa mga ito.

Matatandaan na noong Mayo 20, matapos na nagviral ang isang post tungkol sa umano’y scam hub ay agad naman na nagsagawa ng ocular inspection ang Police Regional Office-7, Criminal Investigation and Detection Group, at sa tulong ng iba pang mga opisyal mula sa Cebu City LGU’s Business Permit and Licensing Office (BPLO).

Payo naman nito sa publiko na maging mapanuri at alaming maigi kung ang kompanyang papasukin ay legal at sumusunod sa tamang proseso

Dagdag pa nito na kung sakali man na may kahit anumang illegal na gawain ay huwag magdalawang-isip na tumawag sa kinauukulan nang sa gayon ay hindi na madawit pa sa ganitong klaseng kalakaran.