-- Advertisements --

Ano mang oras ay maglalabas na raw si Justice Secretary Menardo Guevarra ng direktiba sa mga prosecutors para atasan ang mga itong mag-focus na sa pag-resolba sa mga drug-related complaints.

Kasunod na rin ito ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na sirain na ang lahat ng mga iligal na drogang ginamit bilang ebidensiya sa mga kaso.

Nais ni Guevarra na bigyang prayoridad ang pagtutok sa mga reklamo o kasong may kinalaman sa droga.

Dapat umanong top priority ng mga prosecutors sa ngayon ang pag-iimbestiga sa mga drug cases at gumawa ng hakbang para makapagpalabas ng court order para sa pagsasagawa ng ocular inspeciton sa mga kinalalagyan ng mga ebidensiya.

Pagkatapos nito ay puwede na umanong sirain ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Una rito, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang humigit kumulang isang tonelada o 1,000 kilong shabu ang kanilang sisirain sa susunod na linggo.

Makikipag-ugnayan din umano ang PDEA sa Department of Justice (DoJ) para humingi ng payo kay Justice Sec. Guevarra kaugnay pa rin ng pagtanggi ng ilang prosecutors na tumugon sa mosyon ng PDEA na magsagawa ng ocular inspection, kumuha ng representative samples at subsequent issuance ng court order para masira.