Tahasang inamin ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi nila puwedeng aksiyunan ang hirit ni Sen. Richard Gordon na i-perpetuate o ipriserba ng Department of Justice (DoJ) ang mga testimonya ng tatlong pulis na sangkot sa drug raid sa Pampanga.

Ang naturang mga pulis ay sangkot sa paghuli sa sinasabing druglord na si Johnson Lee.

Ayon kay Guevarra, hindi nila puwedeng pakialaman ang pagpreserba sa testimonya ng mga pulis maging ng mga barangay official ng Mexico, Pampanga dahil ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nagsampa ng kaso.

Dapat umanong ang CIDG mismo ang magsulong sa perpetuation ng mga ebidensiya para magamit ito sa hinaharap dahil maaring hindi makadalo sa mga pagdinig ang testigo sa oras na ang kaso ay maiakyat na sa korte.

Una nang sinabi ni Gordon, mas mainam na hakbang ang perpetuation of testimony dahil matitiyak na magagamit ang testimonya bilang ebidensiya sa korte ano man ang mangyari sa testigo.

Pero ayon kay Guevarra, nasa reinvestigation stage pa lamang ang reklamo laban sa mga pulis na inaakusahang nagre-recycle ng droga kaya’t ang PNP-CIDG na tumatayong complainant sa kaso ang dapat magsulong nito.

Pero sakali umanong makitaan ng DoJ ng probable cause ang reklamo laban sa mga binansagang “ninja cops,” gagawin ng kagawaran ang lahat para mapreserba ang testimonya ng mga testigo.

“Perpetuating testimony entails the filing of a petition in court seeking to obtain the deposition of a material witness BEFORE a case is actually filed in court. in the context ot the DOJ reinvestigation of the so-called ‘ninja cops’ involved in the pampanga raid in 2013, the proper party to file such a petition at this time is the complainant PNP/CIDG. however, should the DOJ eventually find probable cause against the respondents, the DOJ will consider all manner of preserving and perpetuating the testimony of the prosecution’s witnesses, including depositions before or pending action,” wika ng kalihim.