-- Advertisements --

Inanunsyo ni Department of Justice Secretary Fredderick Vida na wala na sa kustodiya ng bansang Czech Republic si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sa pulong balitaan ng kagawaran kaninang madaling araw, mismong si Justice Secretary Fredderick Vida ang nagkumpirmang nakalabas na sa nabanggit na bansa ang puganteng dating mambabatas.

Ito aniya ang ibinahagi sa kanila ng awtoridad ng Czech Republic sa naganap na pakikipag-usap o ‘meeting’ nila ukol sa sitwasyon ni former Cong. Zaldy Co.

Aminado naman si Justice Secretary Vida na tanging impormasyon nakalabas na sa naturang bansa ang pugante ang nakuha at wala ng iba pang ulat ang ibinahagi pa sa kanila.

Dahil rito’y umaasa ang kagawaran sa hinihintay na pag-iisyu ng International Criminal Police Organization ng ‘Red Notice’ laban sa dating mambabatas.

Sa pamamagitan raw kasi nito’y maaaring agaran idetene at ibalik ng miyembrong bansa sa Pilipinas ang kustodiya kay former Rep. Zaldy Co.

Gayunpaman, kumpiyansa pa rin si DOJ Secretary Fredderick Vida na maiuuwi pa rin ang dating mambabatas sa Pilipinas sa kabila ng makalabas na ito ng Czech Republic.

Ito’y alinsunod sa kanilang layon magmula o bago pa man lumipad patungong Czech Republic na maiuwi ng Pilipinas si Zaldy Co para ito’y maiharap sa korte.