Bumuo ng isang Special Investigation Team on New Cases (SITN) ang Department of Justice upang pangunahan ang imbestigasyon sa kaso ng pamamaslang kay Johnny Dayang, isang beteranong journalist at dating alkalde ng Kalibo, Aklan.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Justice, nagtalaga sila ng dalawang piskal para pangunahan ang pag-iimbestiga katuwang ang mga imbestigador ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang ahensya.
Kung saan nilagdaan na mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pag-isyu ng Department Order upang pormal na italaga ang dalawang piskal bilang pinuno ng Special Investigation Team on New Cases (SITN).
Dahil dito, pangungunahan ng mga naitalaga ang proseso ng ‘fact-finding’, pangangalap ng ebidensiya at pagsasampa ng kaso sa mga matutukoy sa imbestigasyon.
Inatasan ang special team na magsumite ng kanilang regular progress reports sa Department of Justice hanggang sa maresolba ang naturang kaso ng pamamaslang.
Inabisuhan na rin anila si Undersecretary Jose Torres Jr. ng Presidential Task Force on Media Security ukol sa mga inisyatibong ito at tiniyak ang pakkipag-ugnayan sa mga prosecutor at law enforcement agencies upang malutas ang kaso.