-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na ‘no show’ pa rin ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa tanggapan ng kagawaran.

Ito’y kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ukol sa flood control scandal at usapin lalo na patungkol sa aplikasyon mapasailalim sa ‘witness protection program’.

Ayon kay Prosecutor General Richar Anthony Fadullon, hindi na muling bumalik ang mga Discaya mula huling magpakita sa publiko noong ika-14 ng Nobyembre sa naganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kung kaya’t nanatiling kwestyunable ang ‘status’ ng mga ito sa kanilang aplikasyon para makunsidera bilang ‘state witness’ sa kaso.

Bunsod nito’y aminado si Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na sila’y hindi nakaseseguro kung itutuloy ng mag-asawa ang pakikipagtulungan sa kagawaran .

Subalit ani naman niya’y bukas ang Department of Justice sakaling ipresenta ang kanilang mga sarili at magsumite ng salaysay makatutulong sa imbestigasyon.

Kanyang binigyang diin na hindi agaran makapagdedesisyon sa oras na magsumite ng aplikasyon para sa programa ang sinuman nais maging ‘state witness’.

Dadaan pa aniya raw ito sa masusing proseso at kinakailangan hindi mga paratang lamang ang impormasyon ibinabahagi sa kagawaran.

Alinsunod dito, tuluyan ng nasampahan ng kaso partikular ang kontratistang si Sarah Discaya sa pagkakasangkot nito sa flood control.

Pormal na kasing naisampa ng Ombudsman ang kasong ‘malversation’ at ‘graft’ laban sa kanya kung saan inirerekumendang hindi siya makapagpyansa.