Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na negatibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang pinuno ng tanggapan na si Sec. Francisco Duque III.
Sa isang panayam sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na kagabi lumabas ang resulta ng test na ginawa sa kalihim nitong nakalipas na linggo.
Nasa mabuting lagay naman daw ngayon si Duque na nananatiling naka-work from home.
Kung maaalala, inirekomenda ang pagpapa-test sa COVID-19 ng Health secretary matapos mabatid na ilang beses itong na-expose sa opisyal ng DOH na nag-positibo sa sakit.
May underlying condition din ang kalihim na asthma at hypertension na mas vulnerable umano na ma-infect.
Una ng nilinaw ni Duque na wala siyang naramdamang sintomas ng COVID-19, pero nag-boluntaryo na rin itong magpasailalim sa quarantine.