Ipinagmalaki ni Health Secretary Francisco Duque na sa loob ng apat na linggo ay wala pang naiuulat na local transmission ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19) sa bansa.
Ito ay matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) na isa umano ang Pilipinas sa mga bansang matagumpay na nakokontrol ang mabilis na pagkalat ng virus.
Pinawi naman ni Duque ang pangamba ng nakararami na kapos sa budget ang ahensya upang ibigay ang mga pangangailangan ng mga health workers na tumutugon naman sa mga reptariates na naka-quarantine sa New Clark City, Capas Tarlac.
Nasa P2 billion ang hinihinging karagdagang budget ng DOH sa gobyerno para dagdagan ang kanilang medical supplies sa kabila ng nararanasang shortage ng mga bansang apektado ng coronavirus.
Ayon kay Duque, kinumpirma umano sa kaniya ng Department of Budget and Management na maaaring gamitin ng ahensya ang P530 million allocated budget para ipambili ng mga medical equipment.
Hinihintay din ng ahensya ang delivery ng halos P95 million halaga ng personal protective equipment (PPE) na gagamitin ng mga health workers.
Binabalak din umano ng DOH ang expansion ng ilang sub-national laboratories sa bansa para mas mapabilis ang isinasagawang testing ng coronavirus.
Samantala, nakatakda na sa March 11 ang send-off ceremony ng nasa 400 Pilipino na inilikas mula sa Diamond Princess cruise ship sa Japan.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, 15 sa mga nagpakita ng sintomas ng coronavirus ang nakabalik na sa Athlete’s Village sa New Clark City habang ang isa naman ay nanatili pa sa pagamutan matapos makaranas ng diarrhea.
Umabot na sa 39 katao ang person under investigation (PUIs) mula 23 kahapon. Ang mga nadagdag na PUIs ay nanggaling kamakailan sa South Korea para umattend ng seminar.
Nilinaw naman ni Vergeire na ang karagdagang 16 na PUIs ay kasalukuyang naka-quarantine sa iba’t ibang referral hospitals.