-- Advertisements --

Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang mga manufacturing companies ng face mask na doblehin ang kanilang produksyon.

Magugunitang nagkakaubusan na ang supply ng face mask sa mga pamilihan dahil sa pangamba sa Wuhan coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na nagkaroon ng global shortage ng face mask dahil sa Australian bushfire, gayundin sa Taal Volcano eruption sa Pilipinas at sinundan ng pagkalat ng Wuhan coronavirus.

Ayon kay Sec. Duque, naghahanap na rin sila ng pagkukunan ng dagdag na supply ng face mask dahil sa laki ng demand at pangangailangan nito ngayon.

Pero iginiit ni Sec. Duque na dapat prayoridad ang mga doktor at nurse na nangangalaga sa mga pasyente lalo sila ang takbuhan ng mga nagkakasakit at exposed sa virus.

Kaya mainam daw na kung walang face mask, iwasang magpunta sa mga matataong lugar, panatilihin ang kalinisan sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay at paggamit ng hand sanitizer o alcohol.