MANILA – Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga opisyal ng gobyerno at personalidad matapos mapaulat ang pagbabakuna ng ilang local government officials.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, proteksyon sa mga “at risk” at “vulnerable tulad ng healthcare workers at senior citizens ang layunin ng pagbalangkas ng prioritization framework.
Kung maaalala, kinumpirma ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na nagpaturok siya ng Sinovac vaccine.
May mga report din nang pagsingit umano ng ilang pulis sa isang vaccination site sa Quezon City.
Nilinaw naman ng opisyal na walang ipinatutupad na “plus one” strategy ang gobyerno, matapos mapaulat na may ibang indibidwal na nababakunahan dahil may kamag-anak silang medical frontliner.
Nabakunahan din kasi ng AstraZeneca vaccine mula COVAX facility ang artistang si Mark Anthony Fernandez.
“Nagbabala na rin kami sa regional directors namin. Ang sabi namin nobody jumps the line… hindi natin nire-recommend. Wala tayong protocol na plus one.”
Binigyang diin ng opisyal ang babala ng World Health Organization na baka makompromiso ang mga susunod pang supply ng COVID (Coronavirus Disease) vaccines mula COVAX, kung hindi masusunod ang priority list na dapat mabakunahan.
“Let’s wait for our turn, darating yan. We are all entitled to being vaccinated, we just need to have this prioritization kasi hindi pa enough yung bakuna natin sa ngayon.”
Sa ilalim ng priority list, dapat healthcare workers muna ang mababakunahan, sumunod ang mga senior citizen, may ibang kapansanan, at uniformed personnel.
Pero inaprubahan ng Inter-Agency Task Force kamakailan na masingit pagkatapos ng grupo ng iba pang may sakit ang local government officials bago ang hanay ng mga pulis at sundalo.
Nanawagan si Vergeire sa publiko na agad i-report sa mga tanggapan ng DOH para maimbestigahan at matigil ang mga pagsingit sa bakuna.
Maaari raw tumawag sa Complaint and Action Unit Hotline ng ahensya na 8651-7800 local 2527.