Inalerto na ng Department of Health (DoH) ang mga may-ari ng business establishments sa sandaling ipatupad na ang general community quarantine (GCQ) sa ilang lugar lalo na sa Maynila.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergiere, mahalagang ipatupad ang health protocols sa mga empleyado ng mga establisiyemento gayundin sa mga customers.
Partikular aniya ang pagsusuot ng facemask, social distancing, disinfection at cough etiquette.
Pinayuhan din ng DoH ang mga employers na panatilihing malusog ang kanilang mga empleyado at tiyaking walang virus.
Dapat din aniyang maging handa ang employers sa pagbibigay ng ayuda sakaling mayroong matamaan ng virus sa kanilang mga empleyado.
Nanindigan ang DoH sa kanilang babala sa mas malalang outbreak sakaling pairalin na lamang ang GCQ mula sa kasalukuyang enhanced community quarantine.