Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa sakit na leptospirosis sa gitna ng patuloy na mga pag-ulan sa bansa.
Sa isang statement, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasan ang paglusong sa tubig-baha upang makaiwas sa sakit.
Kung hindi naman maiwasang lumusong sa baha, magsuot ng boots at proteksiyon sa katawan gayundin magpakonsulta sa doktor para sa tamang payo at reseta ng gamot gaya ng Doxycycline prophylaxis.
Maaari ring tumawag sa National Emergency Hotline na 911 kapag nangangailangan ng agarang tulong.
Nauna naman nang inatasan ng Palasyo Malacañang ang DOH na gumawa ng mga proaktibong hakbang laban sa mga sakit na nakukuha bunsod ng mga pag-ulan at pagbaha.
Hinimok din ng pamahalaan ang publiko na lumulusong sa tubig-baha na gawin ang kaukulang hakbang para maiwasan ang sakit na maaaring makuha mula sa baha at magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, huwag nang antaying lumala pa ang sintomas sakaling makaranas ng lagnat, paninilaw ng mata o balat at iba pa bago magpatingin sa doktor para sa posibleng leptospirosis.
Ginawa ng Palasyo ang panawagan sa gitna ng malawakang pagbaha na nararanasan sa Metro Mnila at iba pang rehiyon bunsod ng pabugso-busong pag-ulan dala ng pinaigting na hanging habagat.
















