Tiniyak ng Palasyo kay Vice President Sara Duterte na hindi gagamitin ng administrasyong Marcos ang Philippine National Police o PNP bilang kasangkapan para saktan siya o ang kanyang mga tagasuporta.
Ito ang pahayag ng Presidential Communications Office matapos sabihin ni Duterte na nangangamba siya para sa kanyang buhay at hindi nagtitiwala sa pulisya, korte at maging sa security team na nakatalaga sa kanya.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi papayagan ng administrasyon na gamitin ang PNP sa anumang uri ng karahasan.
Binigyang-diin ng PCO na ginagampanan lamang ng PNP ang mandato nito alinsunod sa batas, nang walang pagkiling o konsiderasyong pampulitika, at para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino.
Iginiit din ng Palasyo ang tiwala nito sa liderato at mahigit 230,000 tauhan ng PNP na anila ay patuloy na propesyonal sa pagprotekta sa karapatan ng mga taong nasa kanilang pangangalaga.
Hinimok naman ng administrasyon si Duterte na idaan sa mga legal na paraan ang anumang reklamo o pangamba sa mga kilos ng pulisya, sa halip na maglabas umano ng walang batayang alegasyon.
Nagpahayag din ng katiyakan si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tutugunan ng pulisya ang mga pangamba ni Duterte sa kanyang seguridad.
Inatasan na ang mga kinauukulang police units na patuloy na mag-monitor at magsagawa ng threat assessment laban sa bise presidente at sa kanyang immediate family.
Gayunman, sinabi ng PNP na hanggang ngayon ay wala pa itong natutukoy na beripikadong banta laban kay Duterte o sa kanyang pamilya.
Nagsimula ang pangamba ni Duterte sa seguridad kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya dahil sa tatlong bilang ng grave threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nagpiyansa si Duterte ng P360,000 sa Quezon City Regional Trial Court noong Sabado.
Ang kaso ay nag-ugat sa kanyang online press conference kung
saan sinabi niyang nakausap niya ang isang tao upang ipapatay sina Marcos, Araneta-Marcos at Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.
Bago pumasok sa korte, sinabi ni Duterte na hindi siya nagtitiwala sa pulisya at natatakot siya para sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
Samantala, ang PNP ay naging pangunahing tagapagpatupad ng kampanya kontra droga noong administrasyon ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan libo-libong hinihinalang drug suspects ang nasawi.
Sa mga imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at Commission on Human Rights, natukoy naman na may ilang pulis na sangkot umano sa pagmamanipula ng crime scenes at paglalagay ng ebidensiya upang hadlangan ang imbestigasyon
sa ilang kaso ng pagpatay.















