-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang mga estudyante mula sa paggamit ng artificial intelligence (AI) tools para humingi ng tulong sa mental health issues sa halip na makipag-usap sa school guidance counselor.

Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasabay ng pag-obserba ng Mental Health Month ngayong taon.

Kaakibat nito, nagsagawa ang DOH ng interactive workshops sa Cavite National High School para mapataas ang kamalayan kaugnay sa halaga ng mental health at pangangailangan ng suporta mula sa kasamahan sa paaralan para magbigay ng safe spaces para sa mga estudyante.

Sa naturang event, sinabi ni Health spokesperson ASec. Albert Domingo na kailangan ng mga estudyante na mag-ingat sa paghingi ng tulong mula sa AI tools sa halip na sa kapwa tao kaugnay sa kanilang mental health.

Binigyang diin ng opisyal na ang ganitong uri ng teknolohiya ay hindi kayang maintindihan at mapangasiwaan ang mga emosyon ng tao. Kayat mas mainam pa rin na sa guidance counselors, school counselor associates o sa mga kasamahan sumangguni.

Bilang tugon, sinabi ni ASec. Domingo na nakatakdang mag-hire ang Department of Education (DepEd) ng 10,000 school counselor associates sa lalong madaling panahon para matugunan ang kawalan ng guidance counselors sa mga paaralan.