Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ulat ng anumang anomalya o problema sa mga hindi gumaganang super health centers sa bansa.
Ayon sa DOH, ilulunsad sa Lunes, Oktubre 20, ang kampanyang “Oplan Bantay Super Health Center”, na magbibigay-daan sa mga mamamayan na magsumite ng ulat, larawan, at video ng mga inaktibong health centers sa kanilang lugar.
Bago pa man ang opisyal na paglulunsad, nakatanggap na umano ang DOH ng ilang ulat sa social media hinggil sa mga hindi pa tapos o hindi pa bukas na pasilidad, dahilan upang ilunsad ang Citizens Participatory Audit alinsunod sa payo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Iniulat din ni Health Secretary Ted Herbosa noong Oktubre 17 sa ICI na mayroong 300 super health centers na idineklarang “incomplete” at kasalukuyang iniimbestigahan.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, mula sa 878 super health centers na pinondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program, 196 dito ang ganap na operational, 17 ang bahagyang operational, 300 ang hindi gumagana, at 365 pa ang nasa ilalim ng konstruksyon.