-- Advertisements --

Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng pamunuan ng Department of Health sa mild variant ng monkeypox sa Pilipinas.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang Clade II variant na sinasabing mild variant ng naturang virus.

Ayon sa Department of Health, walang patid ang kanilang mga ginagawang hakbang para hindi makapasok sa bansa ang mas nakakahawang Clade 1b variant.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang mpox Clade II ay mild lamang bagamat maaari itong makahawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact.

Aniya, ilan sa mga naitalang nasawi ay hindi dahil sa MPOX kundi sa kumplikasyon na dulot ng pagkakaroon rin ng advanced human immunodeficiency virus o HIV.

Ang pinaka bagong kaso ng mpox ay naitala sa isang residente mula sa Maco, Davao de Oro. Gumaling na ang naturang pasyente ngunit mayroon pang dalawang kaso ng pinaghihinalaang mpox sa Maco at Nabunturan.

Isa pang kaso ang naiulat sa Iloilo Province ngunit ideneklara na rin itong gumaling na ng provincial health office.

Wala pang ganap na gamot ang mpox hanggang sa ngayon ngunit malaki ang maitutulong ng tamang isolation, tamang pangangalaga sa mga pasyente.