-- Advertisements --

Umabot na sa 155 ang kasalukuyang naka-admit sa San Lazaro Hospital dahil sa leptospirosis matapos makapagtala ng 40 bagong admissions nitong Agosto 27, 2026.

Sa kabuuang bilang ng mga pasyente, 124 ay adults habang 31 naman ang pediatric patients. May 28 pasyente ring nakauwi matapos gumaling, habang pitong pasyente ang kasalukuyang nasa intensive care unit o ICU.

Ayon sa pinakahuling datos ng San Lazaro Hospital, 23 pasyente ang nakatakdang sumailalim sa hemodialysis ngayong araw, at isang adult patient naman ang naiulat na nasawi.

Mula Enero 1 hanggang Agosto 27,ngayong taon umabot na sa 325 ang kabuuang admissions dahil sa leptospirosis, habang 138 pasyente na ang nakarekober sa sakit at 11 naman ang naitalang namatay.

Paalala ng Department of Health sa publiko na agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis gaya ng lagnat, pananakit ng binti o kalamnan, at pamumula ng mata, lalo na kung lumusong sa baha.

Hinikayat din ang publiko na huwag balewalain ang mga sintomas at agad na magtungo sa pinakamalapit na pagamutan para sa tamang pagsusuri at paggamot.