-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi na kailangang baguhin ang vaccination program ng gobyerno ng Pilipinas kahit na may pinakabagong guidelines ang World Health Organization (WHO).

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang programa ng pagbabakuna ng bansa ay naaayon sa COVID-19 vaccination guidelines na inisyu ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) ng World Health Organization.

Ayon kay Vergeire, ang pinakabagong rekomendasyon ay nagbibigay ng mga classification kung sino ang karapat-dapat na magkaroon ng mga booster shot o karagdagang dose ng COVID19 vaccine.

Gayunpaman, sinabi ng opisyal na patuloy na pag-aaralan ng DOH ang pinakabagong mga rekomendasyon ng World Health Organization.

Ang ahensya ay muling sasangguni sa mga eksperto kung kinakailangan ng mga alituntunin sa kung sino ang karapat-dapat para sa karagdagang doses.

Kung matatandaan, binago ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ang mga alituntunin at inirerekumenda na lubos na bigyang-priyoridad ang mga matatanda, mga batang may comorbidities, mga taong may immunocompromised na kondisyon, mga buntis at mga health worker sa pagkuha ng karagdagang mga booster shot ng COVID19.