Nagpadala na ang Department of Health ng medical teams sa evacuation centers para tiyaking maihatid ang mga pangunahing serbisyong medical para sa mga inilikas dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Carina at Habagat.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ipinag-utos na niya sa regional DOH offices na tiyaking mayroong presensiya ng medical teams sa mga apektadong lugar at makipag-ugnayan sa local disaster offices para matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng health personnel.
Ipinag-utos din ng kalihim ang pagbili ng mga medisina para sa mga evacuee na may hypertension at diabetes gayundin para sa iba pang karamdaman ng mga indibidwal na inilikas patungo sa evacuation centers.
Tiniyak din ng DOH chief na ipagpapatuloy nila ang paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan sa publiko alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay din sa DOH, binibilisan na ng FDA ang pag-apruba para sa pamamahagi ng 1 milyong capsules ng gamot na doxycycline para sa leptopirosis sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.