MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko tungkol sa wastong prescription ibinibigay ng mga doktor kapag nagre-reseta ng gamot.
Kasunod ito ng kwestyonableng reseta na binigay ng mga doktor sa distribusyon ng ivermectin sa Quezon City kahapon.
“Mayroon tayong iba’t-ibang batas na nakasaad kung anong nilalaman ng prescription and it should contain complete details of the patient, generic and brand ng gamot, instructions ng pag-inom, at dapat yung pangalan ng doktor, signature, license number, and tax receipt,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“All of these are required so that prescription will be valid,” dagdag ng opisyal.
Nitong Lunes nang mamahagi ng ivermectin sa Brgy. Matandang Balara ang grupo nina Anakalusugan Rep. Mike Defensor at SAGIP Rep. Rodante Marcoleta.
Ito ay kahit wala pang rehistradong ivermectin sa Pilipinas laban sa COVID-19.
Napaulat din na sa kapirasong papel lang at hindi sa wastong prescription pad nagbigay ng reseta ang mga doktor na nasa distribution site.
Usec. Vergeire on giving prescrption via piece of bond paper: (1/2) Mayroon tayong iba't-ibang batas na nakasaad kung anong nilalaman ng prescription and it should contain complete details of the patient… | @BomboRadyoNews
— Christian Yosores (@chrisyosores) April 30, 2021
“Kailangan tayong sumunod sa mga pamantayan based on laws that we have para maayos ang pagpatupad natin.”
“Wala pang sapat na ebidensya para mabigyan ng rekomendasyon ng DOH ang ivermectin para gamitin against COVID-19. Sa ngayon wala pang kahit anong gamot na makakapagsabi na diretsa na it can really cure or prevent a person from COVID-19,” giit ni Vergeire.
Una nang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na dapat imbestigahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang hindi wastong pagre-reseta ng ivermectin kahapon.
“Kung totoo man yon na nakalagay sa isang tissue or bond paper lang, so part of what the FDA needs to do is investigate such reports,” ani Duque sa interview ng ANC.
Gayunpaman, aminado ang kalihim na hindi maituturing na iligal ang distribusyon kung pasok sa dalawang exemption ng FDA ang konteksto ng pamamahagi ng gamot.
Una ay kung galing sa ospital na may compassionate special permit; at kung ni-reseta ng doktor at dumaan sa compounding ng isang lisensyadong pharmacist o compounding laboratory.
“With all those conditions in mind, I don’t think there’s anything illegal on the actions but I don’t know the whole story. I don’t know the details of the dispensation and prescription, and how it is done,” dagdag ng Health secretary.
Ayon sa DOH, dapat mag-move on na ang publiko sa issue ng ivermectin dahil handa naman nila itong imbestigahan.
“Kung ano man yung mga nangyayari dito ay gagawan natin ng imbestigasyon kung kinakailangan,” ani Vergeire.