Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko matapos lumabas ang ulat ukol sa posibleng immunity o proteksyon mula sa COVID-19 ang pagkakaroon ng impeksyon sa dengue.
“These studies that they issue, itong mga articles, they would have disclaimers na hindi pa ‘to peer reviewed, hindi pa ‘to dumadaan sa rigorous process of research. So kailangan tayo ay maging careful when we try to interpret and get this kind of data,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa ginawa kasing pag-aaral ng ilang doktor at researchers sa Brazil at Amerika, lumabas na kahit halos lahat ng lugar sa Brazil ay may transmission ng coronavirus, kapansin-pansin ang mabagal na pagkalat nito sa mga lugar na nakapagtala ng dengue outbreak bago at kasabay ng pagputok ng pandemya.
May ilang pasyente rin daw na dating tinamaan ng dengue ang nag-negatibo sa rapid test.
“This was confirmed by the identification of significant negative correlations between COVID-19’s incidence, infection growth rate, and mortality to the percentage of people with antibody (IgM) levels for dengue fever in each of the country’s states… Thus, states in which a large fraction of the population had contracted dengue fever in 2019-2020 reported lower COVID-19 cases and deaths, and took longer to reach exponential community transmission, due to slower SARS-CoV-2 infection growth rates,” nakasaad sa study.
Ikatlo ang Brazil sa listahan ng may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo ngayon, ‘yan ay batay sa case tracker ng John Hopkins University and Medicine sa Estados Unidos.
Bukod sa Brazil, nakita rin daw ang parehong resulta sa mga parehong pag-aaral sa iba pang bansa sa Latin America, Asia, Pacific at Indian Ocean. Hindi kasali ang Pilipinas sa mga pinag-aralang bansa.
Pero kung pareho pa rin daw ang resulta ng pag-aaral sa iba pang lugar na nagka-dengue outbreak, posible raw na may immunity sa COVID-19 ang mga dati nang tinamaan ng dengue o yung mga nakabakunahan ng dengue vaccine.
“This striking finding raises the intriguing possibility of an immunological cross-reactivity between DENV serotypes and SARS-CoV-2. If proven correct, this hypothesis could mean that dengue infection or immunization with an efficacious and safe dengue vaccine could produce some level of immunological protection for SARS-CoV-2, before a vaccine for SARS-CoV-2 becomes available.”
Inirekomenda ng mga researchers na pag-aralan pa ang posibleng relasyon ng dengue infection sa COVID-19. Hindi pa kasi dumadaan sa peer review o pagsusuri ng iba pang eksperto ang naturang pag-aaral kaya hindi pa masasabing matibay ang ebidensya nito.
Batay sa datos ng DOH, bumaba sa halos 60,000 ang total ng dengue cases sa bansa as of August 15, mula sa higit 430,000 na kabuuan noong 2019.
Paliwanag ni DOH spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, delikado ang agarang pagtalon sa konklusyon lalo na’t wala pa namang matibay na ebidensya. Tiniyak din niyang pag-aaralan ito ng kanilang hanay.
“Dito sa study, pinagkumpara lang nila yung association yung incedence or pagkakaroon ng dengue between the areas with cases of dengue and COVID-19 virus in 2019 and 2020. Bukod sa pagkukumpara na ‘yon wala na silang ibang ginawang pag-aaral pa.”
“It is dangerous for us to have this kind of conclusions, considering na ito pa lang ang napag-aralan… it is too early for us because there is still no sufficient evidence to say that itong association na ito is valid.”