Nag-isyu ng advisory ang Department of Health (DOH) at listahan ng reminders para sa mga residente para maprotektahan ang kanilang sarili mula sa posibleng mapanganib na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Pinapayuhan ng DOH ang mga residente lalo na ang mga nasa bisinidad ng bulkan na huwag lumabas sa kanilang bahay kung hindi kinakailangan.
Mahalaga din na malaman ang sitwasyon sa mga kalsada at trapiko sa kanilang lugar at maghanda ng “Go Bag” na naglalaman ng mga pagkain, tubig, first aid kit at iba pang mahahalagang bagay.
Payo din ng ahensiya na dapat isagawa ang paglilinis ng mga abo mula sa bulkan na naipon sa mga bubong ng bahay at drains pagkatapos ng ash fall.
Para mapanatiling malinis at ligtas ang pagkain at inumin sa kasagsagan at pagkatapos ng ash fall, dapat na maghugas ng mga kamay bago magluto at kumain, hugasan muna ang mga prutas at gulay gamit ang running water, tiyakin na hindi expired ang nakaimbak na pagkain at ipunin ang tubig sa isang enclosed storage.
Para maprotektahan naman ang mata laban sa ash irritation, magsuot ng safety goggles, pansamantala ay iwasang gumamit muna ng contact lense at eyeglasses, kapag nakaranas ng eye irritation iwasang kuskusin ang mata at hugasang mabuti gamit ang warm running water at agad na magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng problema sa eyesight.
Para maiwasan namang makakuha ng respiratory distress, nag-abiso ang DOH sa mga residente na magsabit ng basang kurtina sa bintana, gumamit ng medical o surgical mask, dusk mask o basang towel bilang proteksiyon sa ilong at bunganga.
Tiyakin din na mayroong sapat na suplay ng medisina para sa asthma at allergies at agad na komunsulta sa doktor kapag nakaranas ng hirap sa paghinga.