-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga biyahero at ang mga lalahok sa taunang Visita Iglesia na tiyaking kumpleto ang kanilang mga dalang proteksyon at suplay medikal upang makaiwas sa anumang sakit ngayong paggunita ng Semana Santa.

Sa pinakabagong abiso ng kagawaran, mariing pinayuhan ang publiko na maging handa sa posibleng epekto ng siksikan at lagay ng panahon.

Pangunahing inirekomenda ng ahensya ang pagdadala ng sapat na inuming tubig upang makaiwas sa dehydration, gayundin ng payong at mga personal na gamot.

Bukod dito, pinaalalahanan din ng DOH ang mga mamamayan na magbaon ng snacks, extrang damit, at pamaypay o portable fan bilang panlaban sa banta ng matinding init sa labas.

Ang nasabing abiso ay inilabas upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong inaasahang dadagsa sa mga simbahan at mga terminal.

Bilang dagdag na pag-iingat laban sa mga nakakahawang sakit at posibleng kagat ng lamok, iginiit ng ahensya ang kahalagahan ng pagdadala ng insect repellant, alcohol, at face mask lalo na sa mga pampublikong lugar na may mataas na bulto ng tao.

Samantala, upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente, muling ipinaalala ng DOH sa taumbayan ang mga hakbang pang-emerhensya.