-- Advertisements --

MANILA – Ikinokonsidera na rin ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang panukala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na gamitin ang mga simbahan bilang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccination site.

Ayon kay DOH (Department of Health) Usec. Maria Rosario Vergeire, sa huling meeting nila ay inirekomenda ng NITAG ang mga simbahan bilang lugar ng bakunahan dahil angkop ang ventilation ng malalaking church facilities para sa vaccination.

“Ang isa pang proposal na binigay ng NITAG is to use the churches, because in churches well-ventilated usually ang lugar ng malalaking simbahan at baka maaaring makatulong din sa pagbabakuna natin,” ani Vergeire.

Bukod sa mga simbahan, patuloy din daw ang pakikipag-usap ng Health department sa pribadong sektor para magamit ang kanilang mga gusali at establisyemento bilang vaccination site.

Ilan aniya sa mga inaasahang bubuksan bilang dagdag na mega vaccination sites ay ang malalaking ospital, malls, at parking areas.

“Big hospitals and even malls will be utilized for us to have mega vaccination sites. Ang mga parking areas na malalaki, gagawin ding mega vaccination sites.”

Samantala, hinihintay pa ng DOH na pirmahan ng National Task Force ang kasunduan kasama ang pribadong sektor, para maituloy na ang pagtatayo ng mega vaccination site sa lupang sakop ng Nayong Pilipino.