-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na mag-ingat ngayong panahon ng amihan lalo na sa mga sakit na kalimitang nararanasan sa ganitong panahon.

Ang Amihan ay nagdadala ng malamig at tuyong hangin na karaniwang nararanasan mula buwan ng Nobyembre hanggang Marso, kaya naman mahalagang maging handa at protektado.

Ilan sa mga sakit na madalas na nagiging problema sa panahon ng Amihan ay ang trangkaso, na kilala rin bilang influenza; ang sipon, na kadalasang may kasamang ubo at bahing; ang pulmonya, isang impeksyon sa baga na maaaring magdulot ng hirap sa paghinga; ang allergic rhinitis, na nagiging sanhi ng pangangati ng ilong at pagbahing dahil sa mga allergens; at ang panunuyo ng balat, na maaari ring magresulta sa eksema, isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng pangangati at pamamaga ang balat.

Upang maiwasan ang paglaganap ng mga sakit na ito, nagbigay ang DOH ng ilang mahahalagang paalala at rekomendasyon.

Kabilang dito ang regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, lalo na bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo.

Kung nakakaranas ng sintomas ng sakit, pinapayuhan ang pananatili sa bahay upang hindi makahawa sa iba. Mahalaga rin ang pagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay, lalo na sa mga mataong lugar, upang protektahan ang sarili at ang iba.