Kumambyo ang Department of Health (DOH) mula sa unang pahayag nito na nasa ikalawang wave o bugso na nang COVID-19 transmission ang Pilipinas.
Kung maalala, ilang opisyal ng gobyerno at eksperto, maging ang Malacanang ay kinontra ang posisyon ng ahensya.
Sa virtual press conference ng DOH, humingi ng paumanhin ang kagawaran sa idinulot na kalituhan ng anunsyo, kasabay ng paglilinaw na nasa unang wave pa lang ng transmission ang bansa.
“The DOH confirms, that yes we are in the first wave driven by a local community transmission,” ani Health Director IV Beverly Ho.
“Kung matatandaan ninyo, local community transmission happened noong nagsimula tayong mag-report ng cases ng mga kababayan na walang exposure sa mga positive cases o kaya walang travel history. We are still in this wave.”
Naitala raw ang unang bugso ng coronavirus disease sa bansa noong March 31 kung saan nakapagtala ng 538 confirmed cases sa loob ng isang araw.
Pero matapos nito ay bumaba naman na raw ang mga bagong kaso ng sakit.
“Since then the average number of cases has declined to around 220 cases per day, this is the reason why we are saying that we have started to flatten the curve.”
“We apologize for the confusion that this has caused.”
Hinimok ng DOH ang publiko na huwag nang patulan ang pagkakamaling ito para hindi matabunan ang mga prayoridad laban sa COVID-19 pandemic.
Nitong Miyerkules nang sabihin ni Health Sec. Francisco Duque na nasa second wave na ng COVID-19 transmission dahil naitala raw ang unang bugso noong Enero sa mga nag-positibong Chinese nationals.