-- Advertisements --

In-activate na ng Department of Health (DOH) ang National Public Health Emergency Operations Center (PHEOC) kasunod ng malawak na pinsalang iniwan ng nagdaang bagyong Tino at bilang paghahanda na rin ng epekto ng bagyong Uwan.

Sa isang statement ngayong Sabado, Nobiyembre 8, sinabi ng DOH na magsisilbi ito bilang pangunahing emergency operations centers para matiyak na sentralisado o iisa ang linya ng koordinasyon sa oras ng health-related emergencies alinsunod sa mandato ng National Disater Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Papaigtingin din sa tulong ng emergency operations center ang mekanismo para sa pagresponde mula sa national hanggang sa mga lokal na pamahalaan.

Binubuo ito ng limang sections sa pangunguna ni Health Secretary Ted Herbosa bilang Responsible Officer kasama si ASec. Gloria Balboa bilang Incident Manager para sa pangkalahatang operasyon.

Kabilang sa mga gampanin ng limang section sa ilalim ng national emergency operations center ay ang pagpapalabas ng impormasyong dapat na malaman ng publiko, pagtitiyak ng kapakanan ng mga staff nito, koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno, rehiyon, ospital, lokal na pamahalaan at international states gayundin ang pagsiguro ng sapat na logistics at kinakailangang pondo.

Tiniyak naman ng kagawaran na mas papaigtingin pa nila ang pagresponde sa mga health-related emergencies sa gitna ng pananalasa ng bagyo.