Nalampasan na raw ng Pilipinas ang dalawa hanggang tatlong araw na doubling time ng COVID-19 cases, ayon sa isang opisyal ng Department of Health.
Sa kasalukuyan, nasa pitong araw na umano ang pagitan bago nakapagtatala ang buong bansa ng dobleng bilang ng mga bagong kaso.
Mas humaba na rin daw ang pagitan ng mga araw bago dumoble ang numero ng mga namamatay sa sakit.
Pahayag ito ng DOH matapos irekomenda ng Inter-Agency Task Force kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba na sa general community quarantine ang Metro Manila sa June 1.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may naging basehan naman ang IATF sa nasabing rekomendasyon nito.
“Ang masasabi ko lang, we have a basis for providing the recommendation, and based po sa data analytics ng ating ng mga eksperto, iyong case doubling rate, yung critical care utilization rate and mortality doubling time, nakita po natin sa kabuuan na case doubling rate and mortality doubling rate ay bumaba na,” ani Vergeire sa isang virtual media briefing.
Paliwanag ng Health official, nasa kamay pa rin ng presidente ang desisyon kung papasok na sa GCQ ang National Capital Region, na siyang epicenter ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi kasi ng mga eksperto mula University of the Philippines at University of Sto. Tomas na dapat manatili ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine.
Mula sa 15,049 total COVID-19 cases ng bansa, may 9,721 na mula sa NCR.